Safe ba ang SNAP Hydroponics? Ito ang tugon ni Marco Enrico ng Happy Grower’s Channel sa malimit na tanong kung ligtas ba ang mga gulay na pinalaki sa SNAP Hydroponics o sa hydroponics sa pangkalahatan.
Wala pong masamang epekto sa katawan ang pagkain ng halamang pinalaki sa hydroponics.
MISCONCEPTION SA ORGANIC/CHEMICAL
Meron po kasi ang ilan sa atin na may misconception na “organic” = “chemical free” at kahit ano na may chemical ay masama. Hindi po ito wasto dahil lahat po ng nasa ating paligid maging ang ating katawan ay gawa sa chemicals. Nangangahulugan din po ito na hindi lahat ng chemicals ay masama. Kung ang ibig sabihin po ng organic ay chemical free, wala pong organic.
Masyado po kasi itong nire-reinforce ng maling advertising na “organic at walang halong chemical.” Kung naiintindihan po nila ang sinasabi nila hindi po nila yan sasabihin o sinasabi nila dahli maraming nalilinlang. Isipin po natin, bakit po ba sa ospital binibigyan natin ng chemical na oxygen yung mga may sakit? Chemical po yan na ginawa ng mga tao sa factory. Bakit po natin kinakabitan ng IV yung may sakit? Chemical po yan na kilala sa tawag na dextrose. Bakit po kaya hindi “organic” na oxygen or IV ibigay natin para mas mabisa gaya ng sinasabi ng ilan? Hindi po lahat ng chemical ay masama.
Gayun din, hindi lahat ng organic o natural ay mabuti. Sa katunayan, ang mga pinakanakakalasong substances ay gawa ng kalikasan. Halimbawa, ricin mula sa castor plant at tetrodetoxin mula sa mga puffer fish (kaya marami pong namamatay sa pagkain nung Japanese delicacy na gawa sa puffer fish).
MGA NUTRIENTS SA NUTRIENT SOLUTION
Ang SNAP Nutrients po binubuo ng chemicals. Chemicals na kailangan ng halaman para lumaki. Ito po ay kaparehang chemicals na kinukuna ng halaman sa lupa. Ano po ba ang mga chemicals na ito?
Chemical Symbol | Name | Source |
---|---|---|
C | carbon | mula sa hangin (carbon dioxide) |
H | hydrogen | mula sa tubig (dihydrogen oxide) |
O | oxygen | mula sa tubig at hangin (oxygen/water) |
P | phosphorus | mula sa lupa |
K | potassium | mula sa lupa |
N | nitrogen | mula sa lupa(hindi sa hangin) |
S | sulfur | mula sa lupa |
Trace minerals | manganese (Mn), iron (Fe), magnesium (Mg), molybdenum (Mo), calcium (Ca) atbp. mula sa lupa |
Yan pong mga chemicals na yan ay mga nutrients na kailangan ng halaman. Ang mga nutrients po na yan ang nasa hydroponics nutrient solution. Kung ano man po yung chemicals na kinukuha ng halaman sa lupa sa pamamagitan ng ugat yan rin lang po ang makukuha ng ugat ng halaman sa hydroponics. Ito po ay walang labis at walang kulang.
SAFE ANG SNAP HYDROPONICS, MAS SAFE ANG HYDROPONICS
Safe ang SNAP Hydroponics. Sa katunayan mas safe pa ang mga halamang pinalaki sa hydroponics sa pangkalahatan. Dahil ang mga halamang pinalalaki sa lupa ay possibleng makadampot ng nakalalasong chemical contaminants sa lupa gaya ng lead, arsenic, aluminum at mercury. Hindi po ito nangyayari sa hydroponically grown plants dahil wala pong chemical contaminants yung nutrient solution, chemical lang po na kailangan ng halaman.
Isa pa, ang hydroponically grown plants ay hindi lumalapat sa lupa. Kaya hindi ito madadapuan ng mga soil borne diseases gaya ng Salmonella o E. colli. Gayun din ang mga hydroponic farms ay maaring gawin malapit sa kung saan dinadala ang produce. Mininimal ang handling. Mas malinis kumpara sa gulay na pinalaki sa lupa sa bukid. Wala rin itong chemical pesticide di gaya ng mga halamang pinapalaki sa lupa.
Twenty years na pong ginagamit sa Pilipinas ang SNAP flawless po ang safety record nito. Lalong mas matagal pang kumakain ang mga Western countries ng mga hydroponically grown produce. Sa katunayan may mga bansa po na magugutom ang populasyon kung titigil sila sa paggamit ng hydroponics. Kahit nung sinaunang panahon pa po ginagamit na ang hydroponics. Ang Hanging Gardens of Babylon ay pinapaniwalaang pinatakbo ng hydroponics. Ang mga Chinampas (floating gardens) naman po sa South America ang nagpaunlad ng mga sinaunang sibilisasyon doon. Sa makatuwid po, may mahabang kasaysayan na po ang hydroponics at proven na po ang safety record ng hydroponics gayun din po ang SNAP Hydroponics.